Tara, Kain!
“Tara, kain!” Isang paanyaya; isang imbitasyon. Halos araw-araw natin itong naririnig. Ano ang nararamdaman mo kapag naririnig ito? Hindi ba’t bulong nito’y pagkaka-isa? Na para bang sinasabing: iisa tayo. Kayo man ay magkakamag-anak, magkasama sa trabaho, o magkakaibigan, ang pagsasama sa hapag kainan ay nagsasagisag ng pagkakaisa at pagiging buo.
Pagkakaisa at pagiging buo. Mainam hindi lamang sa pagitan ng iba’t ibang tao. Kundi para sa bawat nilalang. Oo, bagamat ikaw ay iisa lamang, ikaw rin ay may iba’t ibang parte: ang iyong pisikal, mental, emosyonal, at espiritwal na sarili. At ang pagkakaisa at pagiging buo mo ay nakasalalay sa kung anong klaseng atensyon ang ibinubuhos mo sa bawat parte ng iyong pagkatao.
Sa hapag-kainan, mayroong kang pagkakataong alagaan ang kabuuan ng iyong pagkatao.
Para sa Katawan
Ang unang pumapasok sa ating isipan pagdating sa pagkain at kalusugan ay ang pisikal na benepisyo nito. Ang protina mula sa karne, isda, itlog, manok, tokwa, at monggo ay tumutulong magpatibay ng kalamnan (muscles sa Ingles), magpagaling ng sugat, at labanan ang mga sakit. Ang kalsyum at vitamin D, na makukuha sa gatas, dilis, malunggay, at sikat ng araw, ay nagpapatibay ng ating mga buto. Ang iron mula sa karne, atay, at madahong gulay ay pumipigil sa anemia at pagkapagod. Ang fiber mula sa gulay, prutas, at buong butil (whole grains sa Ingles) ay nagpapaayos ng pagdumi at nakatutulong sa pagkontrol ng cholesterol at blood sugar. Samantala, ang vitamin C mula sa calamansi, bayabas, at papaya ay sumusuporta sa resistensya laban sa sakit.
Para sa Isip
Alam niyo ba na ang utak ang isa sa pinakamalakas kumonsumo ng enerhiya sa katawan? Kaya mahalaga ang kinakain mo para sa linaw ng pag-iisip. Ang omega-3 fatty acids mula sa tuna, galunggong, sardinas, at bangus ay sumusuporta sa memorya at konsentrasyon. Ang B vitamins, tulad ng folate at B12 mula sa itlog, isda, at mga berdeng gulay, ay tumutulong sa paggana ng ating nervous sysyem. Ang glucose mula sa kanin, kamote, at saging ay nagsisilbing pangunahing gasolina ng utak, basta may kasamang protina at fiber para hindi biglang bumagsak ang enerhiya. Kapag lagi kang nagpapalipas ng gutom, madali kang makalimot at mawalan ng focus.
Para sa Damdamin
Maraming mga pananaliksik ngayon ang lumalabas na ang ating emosyon ay nakaugnay sa lagay ng ating bituka. Kaya naman importante ang kalidad ng ating mga kinakain upang mapanatili ang mabuting kalusugan ng ating emosyon. Mga 90 porsiyento ng serotonin, ang kemikal na nagpapagaan ng pakiramdam, ay nagagawa sa bituka. Kaya ang fiber mula sa gulay at saging, at ang probiotics mula sa yogurt at iba pang fermented foods tulad ng atchara at kimchi, ay maaaring makatulong sa mas matatag na mood. Ang magnesium mula sa mani, kasoy, monggo, at mga madahong gulay ay nakatutulong magpakalma ng stress, habang ang tryptophan mula sa itlog, manok, at gatas ay ginagamit ng katawan sa paggawa ng serotonin. Ang zinc at iron ay mahalaga rin, dahil ang kakulangan ng mga ito ay iniuugnay sa pagkapagod at pagiging iritable.
Para sa Espiritu
Ang ating espirituwal na kalusugan ay tungkol sa kahulugan, layunin sa buhay, galak, pasasalamat, at pakikipag-ugnayan. Hindi ito nasusukat sa laboratoryo, ngunit malinaw ang koneksyon nito sa pagkain. Ang pagsasalo sa hapag-kainan kasama ng pamilya at kaibigan, tulad ng handaan sa fiesta o simpleng tanghalian ng magkakapatid, ay nagpapatibay ng pagmamahalan at pagkakaisa. Ang pagkain nang may kamalayan, dahan-dahan (mindful eating) at may pasasalamat (gratitude), ay nagpapalalim ng ugnayan mo sa katawan na ibinigay sa iyo. Ang pagpili ng sariwa, lokal, at napapanahong pagkain, gaya ng gulay mula sa sariling taniman o palengke, ay paraan din ng pag-aalaga sa kalikasan. Ang sapat na carbohydrates, protina, at healthy fats ang nagbibigay ng tuluy-tuloy na enerhiya, habang ang antioxidants mula sa makukulay na prutas at gulay ay nagpoprotekta sa katawan. Lahat nang ito’y upang magampanan mo kung ano ang mahalaga at nagbibigay galak sayo. Kapag maayos ang pakiramdam ng katawan, mas may lakas at atensyon rin para sa pagdarasal, pagtulong sa kapwa, at pagtupad sa mabuting gampanin sa komunidad.
Paano Sisimulan
Hindi natin kailangang baguhin ang lahat sa isang araw. Magsimula sa maliliit na hakbang: gawing kalahati ng plato ang gulay at prutas, magdagdag ng protina sa bawat kainan, at pumili ng buong butil (whole grains tulad ng brown rice) o kamote paminsan-minsan sa halip na puro puting kanin. Uminom ng sapat na tubig, at huwag laktawan ang almusal. Hindi kailangang ipagkait ang paborito mong ulam; ang mahalaga ay balanse ang nasa plato.
Para sa iyo
Ang masustansiyang pagkain ay hindi parusa o mabilisang proyekto. Ito ay paraan ng pag-aalaga sa sarili na may epekto sa katawan, isip, damdamin, at espiritu. Kapag pinakain mo nang tama ang katawan, binibigyan mo ang sarili ng lakas para mahalin ang trabaho, pamilya, at mga pangarap mo. Kung hindi mo alam kung saan magsisimula, makatutulong ang isang Rehistradong Nutritionist-Dietitian ng ARDI na gumabay sa iyo nang hindi ka ginugutom o hinuhusgahan. Simulan ngayon ang pagaalaga sa kabuuan ng iyong pagkatao sa bawat masustansiyang plato sa iyong hapag-kainan.
Isang liham sa mga Pilipino kung paano bumuo ng isang mabuting relasyon sa pagkain
Isinulat ni Emmanuel Victor L. Ancheta, RND
Isinulat para sa ARDI Nutrition Education